CIRCOLARE 29: Kronolohiya at Paninindigan ng Migrante
11/04/2011 22:10
Ang Circolare 29 [Registrazione del nome dei cittadini della Rep delle Filippine] ay isang batas ng gobyerno ng Italya na nag-uutos sa pagtanggal sa maternal name na kilala bilang Middle Name sa lahat ng ating mga dokumentong mula sa gobyerno ng Italya. Ang batas na ito (n. 11359) ay ibinaba ng Ministero d’Interno noong Oktubre 7, 2010 sa kahilingan ng Embahada ng Pilipinas sa Italya (EPI) para di-umano maiwasan ang pagkalito sa dahilan sa ang Middle Name ay hindi naman pangalawang pangalan.
Taong 2010 ay natuklasan ng mga migranteng Pilipino ang isang kautusan (Circolare 29) mula sa Ministero dell’Interno sa pagpapatanggal sa ating MIDDLE NAME sa lahat ng mga opisyal na dokumento na ipinagkaloob ng gobyernong Italya sa kahilingan ng ating embahada. Ayon sa ating embahada, ito di-umano ay isang pagtutuwid sa isang maling paraan ng pagrerehistro ng ating pangalan dito sa Italya na nagdulot umano ng pagkalito sa MIDDLE NAME bilang pangalawang pangalan; at pagkakaroon ng isang unipormadong sistema na kaparis ng sistema sa bansang Italya. Ngunit sa halip na maiwasan ang anila'y pagkalito, naging sanhi pa ito ng isang malubahang kalituhan at problema ng komunidad na siyang naging dahilan kung kaya nagkaroon ng malawakang protesta sa hanay ng mga migranteng Pilipino.
Matatandaan na noong Disyembre 22, 2004 sa isang Cir. 64, mula na rin sa panukala ng Embahada ng Pilipinas, ipinag-utos nito na isulat ng buo ang middle name sa lahat ng opisyal na dokumento dito sa Italya. Dito lumitaw na ang ating middle name (nome di mezzo) ay isinulat pagkatapos ng given name (baptismal or christian name) na lumalabas na ikalawang pangalan. Bagamat ito ay mali na lumitaw bilang ikalawang pangalan, sa pamamagitan ng Certificate re: One and the Same Person na binayaran natin ng mahigit na 32euro, ipinaliwanag na dito kung paano isinusulat ang buong pangalan ng mga Pilipino. Ang pagkalito at problema na nilikha nito ay malinaw na sanhi ng walang masusing pag-aaral ng ating embahada (na sa Italya ay hindi kinikilala at hindi kagawian na isulat ang middle name) at konsultasyon sa ating mga migrante (pangunahing problema natin sa embahada). Ang kautusang ito ng embahada na isulat ang middle name ay nagdulot sa ating mga migrante ng samut-saring problema, abala at gastusin.
Kronolohiya:
Hulyo 20, 2010: Isang "Note Verbale" ng Ministero degli Affari Esteri ang ipinadala sa Embahada ng Pilipinas sa Italya na humingi ng paglilinaw tungkol sa kumpletong pagtatala ng pangalan ng isang Filipino naninirahan dito sa Italya.
Malinaw dito na ang hinihiling ay klaripikasyon o paglilinaw at hindi ang pagtatanggal ng anumang bahagi ng pangalan ng Pilipino. Ito ay tanda ng paggalang at pagkilala sa pamamaraan ng pagsulat ng pangalan ng mga Pilipino at pagtataguyod ng Italya ng isang lipunan na mabilis na nagiging multi-etnik at multi -kultural).
Hulyo 2010: Hiniling ni Amb. Romeo Manalo ng Embahada ng Pilipinas sa Italya (EPI) sa Ministero dell’Interno (Ministry of the Interior) ang pagwawasto sa pagtatala ng pangalan ng mamamayang Filipino naninirihan dito sa Italya sa pamamagitan ng pagtanggal sa middle name sa mga dokumentong pinagkaloob ng gobyernong Italya sa mga migranteng Filipino.
Ito’y isang maling kasagutan sa katanungan ng Ministero dell'Interno ang naging tugon ng embahada.
Oktubre 2: Sa kahilingan ng embahada (EPI), inilibas ng Ministero dell’Interno ang isang kautusan na tinawag na Circolare 29: [Registrazione del nome dei cittadini della Rep delle Filippine]. Pagkalabas ng kautusang ito, agad nagpatawag si Amb. Romeo Manalo (EPI) ng isang pulong sa lahat ng mga “leaders” ng Filipino community (Filcom) dito sa Roma. Subalit nabigla ang lahat dahil walang dumaang konsultasyon sa mga nasasakupan ng kautusang ito dito sa Italya bago pa man ito ipinatupad. Kaya inulan ito ng mga pagbatikos at bumuhos ang galit ng mga migranteng Filipino.
Oktubre 7: Nagkaroon ng bisa ang Circolare 29.
Oktubre 28: Nagpatawag ang Embahada ng isang "Special Forum" upang ipaliwanag ang tungkol sa Cir.29 na dinaluhan ng mga consiglieri, lider ng iba't-ibang komunidad, organisasyon at indibidwal; ngunit sa nasabing porum ang pagpapatupad nito ay binatikos at nagkaisang tinutulan ang Cir. 29
Nobyembre 22: Napilitan ang kinatawan ng Embahada kasama sina Mr. Romulo Salvador, Consigliere Aggiunto Assemblea Capitolina per il Continente Asia at Ms. Pia Gonzales, Consigliere Municipale Aggiunto Municipio XVI na makipagpulong kay Dr. G. Menghini ng Ministero dell'Interno. Matapos ang meeting nagpalabas sila ng balita na ayaw ng pumayag ng Ministero na i-urong ang Circolare 29. Ayon na rin sa mga consiglieri “ormai” wala ng magagawa, pagaanin na lamang natin ang pagpapatupad nito. Bagama’t hindi ito ang ninanais ng mga migranteng Pilipino sa kanilang protesta.
Nobyembre 23: Sumulat ang Ministero sa embahada upang hilingin sa kanila ang paliwanag kung bakit pinapapatanggal ang “middle name” sa mga dokumento ng migranteng Filipino.
Ito’y nangangahulugan na maari pa sanang bawiin ang pagpapatupad ng Cir. 29, ngunit hindi ito ginawa ng embahada (EPI). Balintuna sa pahayag nila na wala ng magagawa pa para pigilin ito.
Disyembre 9: Sa pangunguna ng UMANGAT (Ugnayan ng mga Migrante Tungo sa Pag-uunlad), Roma sampu ng mga migranteng Filipino ay naglunsad ng isang kampanya at kilos protesta laban sa pagpapatupad ng Circolare 29 sa harap ng embahada (EPI). Dahil dito ay napilitan si Amb. Manalo na magpatawag ng isang diyalogo sa mga nagprotesta sa araw ding iyon. Sinabi ng ambasador sa harap ng mga nakipag-diyalogo, na titingnan niya kung ano ang maaring magagawa sa pagpapaurong sa pagpapatupad ng Circ. 29 sa Ministero dell’Interno. Inihayag pa niya na tinangka na niyang bawiin sa pamamagitan ng isang sulat sa Ministero dell’Interno subalit hindi na ito pinakinggan ng nasabing ahensya.
Sa pagkakataong ito lumitaw na nagbago ang posisyon ng mga consigliere kasama si Ms Liza Bueno ng CIS Provincia di Roma, ang kanilang pagpanig sa embahada, na taliwas sa kanilang naging unang posisyon, at siya ring ikinabigla ng mga migranteng Pilipino na nagtatanong kung sino ba ang pinaglilingkuran at kaninong interes ang itinataguyod ng mga consigliere.
Disyembre 26: Nagkaroon ng pagpupulong ang kinatawan ng Embahada (Amb. Manalo at Ms. Labat), pamunuan ng Umangat at ilang concerned migrants upang igiit ng huli ang binitawang pangako ni Amb. Manalo. Muling namang nangako na haharapin niya ang usapin sa Cir 29 sa lalong madaling panahon at magpapatawag siya ng malakihang pulong ng mga migrante ngunit lumipas ito hanggang nailabas na ng Ministero dell'Interno ang tinatawag na Cir. 04 ay walang naganap na pagpupulong na pagpapakita ng kawalang interes sa hinaing ng mga migrante.
Enero 2011: Lumarga ang UMANGAT para sa isang malawakang kampanya laban sa Circ. 29 at nagdaos ng “petition signing” sa mga iba’t ibang Filcoms dito sa Roma at maging sa labas ng Roma.
Enero 24: Lumabas ang Circolare 4 isang giya upang mapadali ang pagpapatupad ng Circolar 29.
Pebrero 6: Nagpulong ang mga kinatawan ng mga iba’t ibang organisasyong migrante dito sa Italya sa tanggapan ng UMANGAT; at nagbuo ng isang alyansa at pansamantalang komitato na tawagin na Task Force Circolare 29 (o Alyansa ng mga Migranteng Pilipino sa Italya). Ang alyansa ay nagsilbing daluyan at kasangkapan ng patuloy na pag-aaral at pagpapalawak sa kampanya laban sa Circ. 29 at iba pang mga kagyat na isyu na kinakaharap ng mga migranteng Filipino dito sa Italya at sa buong mundo tulad ng mandatory PAG-IBIG membership, pension, di-magandang asal ng ilang kawani sa embahada, atbp.
Pebrero 13: Muling nagpulong ang Task Force Circ. 29 at nagkaroon ng eleksyon at pagpapanday ng mga plano para pamunuan ang alyansang ito. Dito rin pinagtibay ang pagpapatawag ng isang asembleya ng lahat ng mga migrante dito sa Roma sampu ng mga kawani ng embahada (EPI) sa pamumuno ng kagalang-galang na Amb. Romeo Manalo.
Marso 10: Nagpatawag ng isang "Convegno" sa Ospizio Sacro Cuore, via Marzala. Ngunit hindi ito maituturing na matagumpay dahil hindi nakapanayam ng mga migranteng Pilipino si Dott.ssa Michela Lattarulo, Dirigente Area Anagrafe della Popolazione Residente, Ministero degli Interni.
Mar 13: Nagdaos ng isang asembleya ang Task Force Circ. 29 sa simbahan ng Sta. Pudenziana (o ang Sentro Pilipino) na kung saan naging panauhin sina Amb. Romeo Manalo, Consul Ibayan at Consul Cristine. Pormal na inihapag ang hamon ng alyansa kay Amb. Manalo kung may magagawa pa siya para pigilin ang pagpapatupad ng Circolare 29. Sa harap ng mahigit sa 100 migrante na nakinig sa kanya (sa kabila ng masamang panahon nng pag-ulan ng malakas), ipinahayag nang kagalang-galang na ambassador na sa ilalim ng kanyang kapangyarihan (bilang isang institusyon) ay may magagawa pa siya at tungkulin at obligasyon niyang ipaabot sa mga kinaukulan ng gobyernong Italya (o sa Ministero dell’Interno) ang tunay na hinaing ng mga migranteng Filipino dito sa Italya. Ngunit, makaraan lamang dalawang araw, tahasang tinalikuran ni ambassador ang kanyang mga salita sa asembleya at naglabas siya ng isang Information Bulletin No.8 - 2011 at ang implementing rules and regulation (IRR) na nagsasabing hindi i-uurong ang pagpapatupad ng Circ. 29.
Marso 17: Pormal na nakipag-usap (one on one table talk) ang Presidente ng Task Force Circ.29 kay Ambasador Manalo upang tiyakin na gagawin niya ang kaniyang binitawang salita noong Marso 13 at dito ay napagkasunduan nila (Amb.Manalo & Bro. Junn Landicho) na kapag nagkaroon na ng inisyal na porsyento sa Plebisito gaya ng hamon noong Marso 13 ay gagawa siya ng sulat para sa Ministero upang hilingin na dinggin at pag-aralan ang hinaing ng mayoryang migranteng Pilipino sa Italya.
Marso 20: Pormal na inilunsad ng Task Force Circ 29 ang isang plebisito na naglalayon na pakinggan ang boses ng malawakang masa dito sa Italya kung ano ang kanilang tunay na saloobin hinggil sa Circ. 29.
Abril 2: Muling nagpulong ang panig ng TaskForce Cir.29 at ang embahada upang pag-usapan ang gagawing sulat para sa Ministero dell’Interno. Ipinanukala ni Amb. Manalo na ang TaskForce ang gagawa ng sulat at base sa sulat na yaon gayon ang gagawin naman niyang sulat ng pag-indorso sa Ministero. Nangako siya (ambassador) na ipaabot niya ang hinaing ng migrante base sa sulat ng TaskForce.
Abril 4: Personal na dinala ni Bro. Junn Felix Mendoza Landicho (Pres. TaskForce Cir,29) ang sulat para sa Ministero upang hilingin ang pagpapaurong sa nasabing Cir. 29 at 4, na malugod namang tinanggap ni Amb. Romeo Manalo.
TUTULAN AT LABANAN ANG CIRCOLARE 29 at 4!
IBASURA ANG ANTI-MIGRANTE NA MGA PATAKARAN NG GOBYERNONG
PILIPINAS AT ITALYA!
MANGGAGAWANG MIGRANTENG FILIPINO MAKIBAKA’T MANINDIGAN!
Sundan sa link na ito ang iba pang kaganapan: TASK FORCE CIRC29
Tags:
———
Back
